Last Updated on January 13, 2024 by Kittredge Cherry

Bahagharing Kristo, Ikaw ang kumatawan sa lahat ng kulay ng mundo. Ang Bahaghari ay nagsilbing tulay sa iba’t ibang paghahari: ang langit at lupa, ang silangan at kanluran, ang naiiiba at hindi. Pasiglahin Mo po kami na alalahanin ang mga kahalagahang ibinibigay ng rainbow flag para sa mga lesbiyana, bakla, silahis, at transgender, at kakaibang komunidad.

Ang Pula ay para sa buhay, ang ugat ng espiritu. Buhay at Mapagmahal na Kristo, ikaw ang aming Ugat. Palayain Mo kami sa kahihiyan at bigyan kami ng grasya ng malusog na karangalan upang sundin ang kalooban ng liwanag. Sa pamamagitan ng pulang guhit sa loob ng bahaghari, kami ay nagpapasalamat dahil ang Maykapal ay ginawa kaming ganito.

 

Ang Kahel ay para sa sexualidad, ang apoy ng espiritu. Tunay na taong Kristo, ikaw ang aming Apoy, ang salitang nagkatawang tao. Palayain mo kami sa mga pagsasamantala at bigyan kami ng grasya ng parehong pagkakaunawaan. Sa pamamagitan ng Kahel na guhit sa loob ng bahaghari, ipadama mo sa amin ang apoy ng pagnanasa sa iyo.

 

Ang Dilaw ay para sa Pagpapahalaga sa Sarili, ang ubod ng Espiritu. Ladlad Na Kristo, ikaw ang aming Ubod. Palayain mo kami sa mga mapagtagong pagkatao at bigyan mo kami ng lakas ng loob at grasya na mag ladlad. Sa pamamagitan ng dilaw na guhit sa bahaghari, bigayan mo po kami ng lakas ng loob.

 

Ang Berde ay para sa Pag-ibig. Matapang Na Kristo, ikaw ang aming Puso, nilalabag ang mga batas dahil sa wagas na pagmamahal. Sa mundong nahuhumaling sa kalinisan, hinawakan mo ang mga maysakit at kumain kapiling ang mga taong pinabayaan. Palayain mo kami sa mga pagsang-ayon at pagkalooban ng grasya ng pagsuway. Sa pamamagitan ng berdeng guhit sa bahaghari, punuin mo ang aming mga puso ng wagas na kahabagan sa sangnilikha.

 

Ang Bughaw ay para sa Sariling-Pagpapahayag, ang boses ng espiritu. Mapagpalayang Kristo, ikaw ang aming Boses, nagsasalita ka laban sa lahat ng klase ng pagmamalupit. Palayain mo kami sa kawalang pakialam at bigyan ng grasya na maging aktibista. Sa pamamagitan ng bughaw na guhit sa bahaghari, udyukan mo kaming manawagan para sa katarungan.

 

Ang Ube ay para sa Pangarap, ang karunungan ng Espiritu. Mapagkaisang Kristo, ikaw ang aming Karunungan, lumilikha at nagpapanatili sa buong mundo. Palayain mo kami sa paghihiwalay at pagkalooban kami ng grasya ng pagtutulungan. Sa pamamagitan ng ubeng kulay sa bahaghari, pagdugsungin mo kami sa isa’t isa at sa buong sangnilikha.

 

Ang mga kulay ng Bahaghari ay nagsama-sama upang lumikha ng isang kulay, ang korona ng unibersal na kamalayan. Pangkalahatang Kristo, ikaw ang aming Korona, maging sa pagkatao at maging sa pagka-Diyos. Palayain mo kami sa mahigpit na mga kategoria at pagkalooban mo ng grasya sa paghahabi ng mga sarili. Sa pamamagitan ng bahaghari, palayain mo po kami sa limitadong pag-iisip nang sa gayon ay maging bukas kami sa sari-saring karanasan ng buong sankatauhan.

Bahagharing Kristo, ikaw ang nagbigay-liwanag sa mundo. Ginawa mo ang bahaghari bilang pangako sa pagsuporta sa buhay dito sa lupa. Sa bahaghari ng kalawakan, nakikita namin ang mga patagong pagkakasama ng aming mga sexualidad, kasarian at lahi. Katulad ng bahaghari, mayakap nawa namin ang sari-saring kulay ng buong mundo. Amen.

______


Rainbow Christ Prayer / Panalangin ng Bahagharing Kristo

Tagalog: Translated by Rev. Crescencio “Ceejay” Agbayani Jr., MDiv. Isinalin ni Rev. Crescencio “Ceejay” Agbayani Jr., MDiv.

Kittredge Cherry
Follow
(Visited 814 times, 1 visits today)